Join MultiplyOpen a Free ShopSign InHelp
MultiplyLogo
SEARCH
Computerized na sistema ng halalan, ipatutupad na
5 kandidato ng Kaisa, Stand-UP, pinahintulutang tumakbo


Ni Richard Jacob Dy


Nakatakdang ipatupad sa buong kampus ang computerized na sistema ng halalan para sa mga posisyon sa University Student Council (USC) sa Pebrero 25.

Ani Vice Chancellor for Student Affairs Elizabeth Enriquez, makaboboto ang may 22,000 estudyante sa eleksyon sa pamamagitan ng kanilang mga computerized registration system account. Mapabababa umano nito ang gastos sa halalan at mapaiigting ang seguridad ng mga boto.

Batay sa pagtataya ni Enriquez, P120,000 hanggang P130,000 mula sa pondo ng mga estudyante ang nakatakdang badyet para sa darating na eleksyon.

Dagdag ni Enriquez, susuriin ng University Student Electoral Board (USEB), lupon ng mga tagapangasiwa sa halalan, ang bawat kolehiyo sa kampus ngayong linggo upang punan ang kakulangan ng mga ito sa pasilidad para sa eleksyon.

Ayon kay Jacqueline Eroles, kasalukuyang tagapangulo ng student rights and welfare committee ng USC, isinaad sa isang pulong ng USEB na magkakaroon pa rin ng mano-manong botohan at bilangan kung mabigo ang computerized na halalan.

Ani Enriquez, tutulong ang UP Linux Users Group kung magkaroon ng suliranin sa software na kanilang nilikha para sa halalan.

Kakandidato para sa magkakaibang posisyon sa USC ang 26 na estudyante mula sa Alyansa ng mga Mag-aaral Para sa Panlipunang Katwiran at Kaunlaran (Alyansa), 21 mula sa Nagkakaisang Iskolar para sa Pamantasan at Sambayanan (Kaisa), at 28 mula sa Student Alliance for the Advancement of Democratic Rights in UP (Stand-UP), habang lima ang tatakbong indipindiyente.

Pagpapahintulot sa pagtakbo
Pagkaraang tanggihan ng USEB ang mga naunang apela, pinahintulutan nang tumakbo ng USEB ang limang kandidato mula sa Kaisa at sa Stand-UP, sa gitna ng protesta ng mga kandidato ng dalawang partido sa pulong ng USEB sa Quezon Hall noong Pebrero 9.

Pinahintulutang tumakbo sina Jose Leandro Alineo, Laura May Antoinette Clemente at Francesca Cielo Ravanes ng Kaisa, at Iris Charmaine Olaso at Demi Anne Obidiencia ng Stand-UP.

Ayon kay Enriquez, hindi inaprubahan ang kanilang mga naunang apela dahil sa kakulangan sa dokumento tulad ng True Copy of Grades (TCG) na dapat ibinigay hanggang noong Enero 30.

Ngunit ani Eroles, "Maraming ambiguities ang election code sa kasalukuyan at very open ito sa interpretation, lalo na sa powers ng USEB. Walang binanggit na [kakailanganing] requirements sa election code. Ang USEB ang nagtatakda ng requirements at qualification lang ang nasa election code."

Saad ni Stephanie Tan, tagapangulo ng Kaisa, bagaman tiniyak nila sa USEB na isusunod ang mga kulang na dokumento, tinanggihan pa rin sila ng USEB noong una.

Samantala, aniya, wala nang tatakbo bilang pangalawang tagapangulo sa partidong Kaisa matapos diskwalipikahin ng USEB si Ramon Miguel Abeleda dahil sa hindi pag-abot sa minimum grade requirement na nakasaad sa election code.#







rinnoraycamilit wrote on Feb 13, '09
Jose Leandro ALINEA po...
ronanjsecondez wrote on Feb 14, '09
Go JOSE! :)
collegiannews wrote on Feb 15, '09
Jose Leandro ALINEA po...
Paunmanhin po sa aming pagkakamali. -Ed.
psmeupsu wrote on Feb 15, '09
Go Jose!
Add a Comment